SULAT MO, SULAT KO
2:22:00 PM
Sulat ko:
Minsan talaga napapaisip ako. San tayo nagkamali? Kung nagkulang man ako, bakit di mo agad sinabi sa akin? Kung nawawalan ka na ng gana, kung di ka na masaya, kung pakiramdam mo ay wala na akong kwenta, sana man lang nagsabi ka.
Kahit konti. Kahit konting paliwanag. Sana di ba nabago ko naman sarili ko. Sana nagkaroon pa ako ng pagkakataong gawing isa ulit mga pahina natin.
Ansaya naman natin dati. Hatid-sundo. Away-bati. Pero bumabalik parin tayo. Hinihila tayo ng nararamdaman natin.
Kasi nga di ba mahal natin ang isa't isa? Minsan masakit pero lagi tayong nagpapatawad.
Anong nangyari? Bat di mo masabi?
Sulat mo:
Minsan din, naiisip ko dati, bakit di ko agad nasabi sayo nang maaga? Di mo naman kasalanan lahat. Di lang naman ikaw ang may mali. Siguro ako rin. Pero di ko maamin.
Yun na nga ang masakit at mahirap dun eh. Naghahanap ako ng matino at mabuting paliwanag. Yung klase ng paliwanag na maiintindihan mo nang buo at taus-puso. Yung paliwang na kapag narinig mo, alam kong iiyak ka pero matatanggap mo. Kasi naiintindihan mo.
Masaya naman ako. Masaya naman tayo. Ginawa ko rin naman lahat dati. Mahal na mahal naman kita. Oo, dati. Alam kong alam mo ang nangyari. Alam kong alam mo pero ayaw mo ring sabihin.
Sana di ka galit sa akin.
Sulat ko:
Naiisip ko lagi kong paano ko pinilit ang sarili ko. Yung tipong paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko na naguguluhan ka lang. Na kailangan mo lang ng panahon. Na babalik ka lang din sa akin. Kaya dapat akong lumaban.
Naiisip ko lagi kong paano ko pinilit ang sarili ko. Yung tipong paulit-ulit kong sinasabi sa isip ko na naguguluhan ka lang. Na kailangan mo lang ng panahon. Na babalik ka lang din sa akin. Kaya dapat akong lumaban.
Kaya sinubukan kong lumaban. Ang higpit nga ng kapit ko sa mga alaalang meron tayo. Biruin mo yun? Naka isang dekada din tayong sumakay sa roldilyo na relasyon natin. Siguro di mo rin naman mawawala sa aking umasa. Ikaw nga kasi ang panay kong sinasandalan. Ang pinakauna kong sinasabihan. Sayo ako lagi humuhugot ng lakas. Na kapag may problema ako, kaya ko kasi anjan ka.
Pero natauhan na rin ako sa pagiging tanga at hibang.
Handa nakong gumawa ng bagong hakbang.
Sulat mo:
Nasasaktan din naman ako kakaisip na nasasaktan mo na rin sarili mo kakahintay sa akin. Nalito din ako sa sarili ko. Siguro oo, naguluhan, kinailangan ko ng panahon. Yung lagi nilang sinasabing hanapin ang sarili? Parang ganun nga.
Mas nasasaktan ako kasi alam kong pilit mo pa rin akong ipinaglalaban. Habang ako, gusto kitang tulungan. Pero wala rin akong magawa. Kasi isip at kaluluwa ko, nawawala.
Sa isang dekada natin, palagay ko, mas marami akong natutunan.
At ikaw, isa ka sa mga pinakamagandang bagay na nangyari sa magulo kong buhay.
Wala akong masabi sayo. Lahat ng mga pagkukulang ko, inintindi mo. Lahat ng mga kasalanan ko, pinatawad mo. Lahat ng di ko kaya, pinatunayan mong pwede kong gawin sa tamang panahon.
Oo. Sa tamang panahon.
Di man kita masabayang bumangon, alam kong kayang kaya mong umahon.
Di man kita masabayang bumangon, alam kong kayang kaya mong umahon.
Sulat ko:
Antagal ko tong hinintay sobra.
Ayan. Nag-umaga na.
Wag kang mag-alala, mukha lang akong marupok at madaling matibag pero pagsusumikapan kong maging malakas at matatag sa pagkakataong 'to.
Alam kong ilang taon ding umikot sayo ang mundo ko. Ang mga buwan ko ay ginugol ko upang samahan ka. Ang mga linggo ko ay napunta sa pagpapaligaya sayo. Ang mga araw ko ay nagdaan para alagaan ka. Ang mga oras ko ay nabuhos para ipadama sayong mahal kita. At mga segundo, ang mga segundong yun ay nilaan ko para manatili ka.
Ngayon, magsisimula ako ulit.
Lalong matututo. Lalong iintindi. Lalong mamahalin ang mga taong nakapaligid at nagmamahal din sa akin. Antagal kong hinintay ang umagang to.
Hanggang dito na lang tayo. Salamat sa mga naituro mo saking mga aral.Kung sino man ang susunod, sana di tayong magsawang magmahal.
Hanggang dito na lang tayo. Salamat sa mga naituro mo saking mga aral.Kung sino man ang susunod, sana di tayong magsawang magmahal.
Sulat mo:
Antagal ko rin tong hinintay. Na mag-umaga. Na magsimula nang bago.
Wag na wag mong isiping marupok ka, o mahina, o walang lakas. Isa ka sa pinakamatatag na taong nakilala ko. Kaya nga minahal kita. Kasi alam kong di ka matitinag. Nadadala ka lang ng mga damdamin mo. Pero laging kaya mo.
Mawala man ako, di titigil sa pag-ikot ang mundo mo. Marami kang taon na iikot sa taong mas nararapat mong makasama. May mga buwan kang gugugulin upang libutin ang mundo o pumunta sa mga lugar na pangarap mo kasama siya. May mga linggo kang mapupunta siguro sa pagkilala mo pa sa kanya at pagkilala niya sayo. May mga araw na dadaan para maipakita niya sayo ang pag-aarugang di ko na maibibigay. Ang mga oras mo siguro ay mabubuhos sa paminsan-minsang bangayan at tampuhan niyo. Pero lagi mo siyang iintindihin. Alam kong ganun din siya. At ang bawat segundo mo, wag na wag kang tumigil na mahalin ang sarili mo.
Ngayon, magsisimula ka ulit. Walang kasing ganda ang umagang paparating.
Marami pa sana akong bagay na ihihiling.
Pero hanggang dito na lang talaga.
Sana.
Sana.
Sana.
Tayong dalawa'y lumigaya.
0 comments